Errico Malatesta

Ang Programang Anarkista

1920


Isinalin ni: Malaginoo; Pinasalamatan ni Malaginoo si Lahumbuwan sa kanilang tulong sa pagsasalin;
Unang Nailathala: Sinulat ni Errico Malatesta ang Il Programma Anarchico at ipinagtibay nito ng Unione Anarchica Italiana sa kongreso nila sa Bologna noong 1920;
Pinagmulan: Nailathala noong 2020/11/20 sa Bandilang Itim;
Na-markup para sa Marxists.org ni: Simoun Magsalin;
Copyleft: Ang teksto na ito ay libre at malaya; Puwede mong kopyahin at ilathala ito.


1. Mga Adhikain at Layunin

2. Mga Paraan

3. Pakikibaka sa Ekonomiya

4. Pakikibakang Pulitikal

5. Pagtatapos


Paunang Salita ng Tagasalin

Isinulat ni Errico Malatesta ang polyetong Ang Programang Anarkista at ipinagtibay nito ng Unione Anarchica Italiana sa kongreso nila sa Bologna noong 1920. Hango ang pagsasaling ito mula sa Ingles na bersiyon ni Vernon Richards sa tekstong Errico Malatesta: His Life and Ideas na inilathala noong 1965 ng Freedom Press.

Si Errico Malatesta ay isang tanyag ng anarkista at rebolusyonaryong sosyalista mula sa Italya na naging kontemporanyo ni Mikhail Bakunin noong panahon ng Unang Internasyonal. Matagal nabuhay sa mga iba't ibang lugar si Malatesta, habang hinuhulma ang kaniyang paniniwala sa anarkismo. Noong bumalik siya sa Italya, nakipag-organisa siya kasama ang mga manggagawa ng Ancona. Nakatakas siya sa pagkabilanggo noong 1899 at muling umikot sa mundo upang tumindig kasama ang mga sosyalistang libertaryo sa Amerika at Britanya. Yumao siya noong 1932, matapos magkaroon ng pulmonya. Noong panahong iyon, pinagpatuloy niya ang kaniyang pakikibaka, kontra naman sa mga pasista ni Benito Mussolini.

Isa si Malatesta sa unang gumawa ng sintesis sa anarkismo at sosyalismo, at mariing nanindigan para sa lugar ng mga anarkista sa organisasyong maka-manggagawa, kahit na sa panahong iyon, matindi ang hidwaan sa ideolohiya at praktika ng iba't ibang uri ng maka-kaliwa. Kitang-kita ito sa programang sinulat niya, na pinapahalaga ang pakikibaka ng mga anarkista sa ekonomiya at politika, kontra sa estado at kapital, ang mga sistemang mapang-api na nananaig pa rin sa panahon natin ngayon.

Dapat pahalagahan rin ang naging impluwensiya ni Malatesta sa kilusang manggagawa at magsasaka ng mga Pilipino. Ang kaniyang sulatin na Fra contadini—isinalin sa Tagalog noong 1913 bilang Dalawang Magbubukid—ay isang mahalagang akda ng Union Obrera Democratica o UOD. Ang UOD ay ang unang pederasyong paggawa sa kapuluan na itinatag ni Isabelo Delos Reyes, ang propagandistang Ilokano na nakasalamuha ang mismong kilusang anarkista at sosyalista na kinaisahan ni Malatesta.

Isang indikasyon lamang ito na ang pakikibaka para sa kalayaan, kasarinlan, at kabuhayan ng mga manggagawa sa kapuluan sa buong kilusang mapagpalaya sa buong mundo, kahit dekada at siglo man ang makalipas. Magkaugnay nga naman tayong lahat.


1. Mga Adhikain at Layunin

Naniniwala kami na ang karamihan ng mga suliranin ng sangkatauhan ay nagmumula sa maling pagsasaayos ng lipunan, at mababago ito ng Tao ayon sa kaniyang kagustuhan, kung alam niya lamang kung paano ito baguhin.

Ang kasalukuyang lipunan ay resulta ng napakatagal na alitan ng tao kontra tao. Ang hindi paguunawa sa kabutihang bunga ng kooperasyon at pagkakaisa; ang pagtingin sa ibang tao (maliban na lang ang kanilang mga kadugo) na isang kakumpetensiya at kalaban, ang naging dahilan ng kagustuhang siguraduhin ang sarili at ang lahat ng maaring kalamangan, nang hindi iniisip ang interes ng iba.

Sa pakikibakang ito, malamang sa malamang, ang mga pinakamalakas o pinakamasuwerte ang magwawagi. Dahil doon, pinagpapahirap at inaapi ang mga natatalo.

Hangga’t hindi kaya ng taong gumawa ng nakahihigit sa kailangan para mabuhay, ang gagawin lang ng mga mananakop ay tabuyin o patayin ang mga biktima, at nakawin ang kanilang pagkain.

Nang matuklasan ang pagpastol at agrikultura, at nahigitan ng tao ang paggawa ng kinakailangan, nakita ng mga mananakop na mas mainam na gawing alipin ang mga sinasakupan at gamitin ang kanilang paggawa.

Nang lumaon, napagalaman pa nila na mas madali, mas nakakakita, at mas nagagamit pa ang paggawa ng ibang tao sa iba’t ibang paraan: ipasarili ang karapatan sa lupa at kasangkapang panggawa, at pagpapalayas sa mga ninakawan nila ng lupa’t kabuhayan. Dahil wala na silang hanapbuhay, kinailangan nilang magtrabaho ayon sa kagustuhan ng mga nagmamayari ng lupa.

Sa gayon, matapos ang kumplikadong mga kaganapan, mga mga pagsakop, giyera, pagalsa, pagsupil, konsesyon na nakamit dahil sa pakikibaka, pati na ang pagkaisa ng mga inalipin upang protektahan ang isa’t isa kontra sa mga umaatakeng mananakop, nakarating tayo sa kasalukuyang lipunan. Dito, ang ilan ay nakamana ng lupa at kayamanan, habang ang masa, na walang ni isang kapirasong lupa o kayamanan, ay pinagsasamantalahan at inaalipin ng kaunti ngunit mataas na uri.

Mula rito nanggagling ang lahat ng paghihirap ng mga manggagawa ngayon, at dahil doon, lumalaganap ang mga kasamaan tulad ng kahangalan, krimen, prostitusyon, malnutrisyon, depresyon, at maagang kamatayan.

Dito nanggagaling ang isang namumukod-tanging uri, ang pamahalaan, na gamit ang mga paraan ng panunupil, ay pinoprotektahan ang uring nagmamay-ari mula sa hinaing ng mga manggagawa. Gamit ang kapangyarihan na hawak nito, gumagawa ito ng mga pribilehiyo para sa sarili at ipasailalim ang matataas na uri.

Dito galing ang natatanging uri ng kaparian, na matapos lumikha ng kwento ukol sa kalooban ng Diyos at kabilang-buhay, ay hinihikayat ang taong tumanggap sa kanilang pagkaalipin, at pagserbisyuhan ang interes ng sarili at mga namumuno sa lipunan.

Mula rito ang isang opisyal na agham, dahil sumusunod sila sa utos ng mga naghahari-harian, ay kabaligtaran ng totoong agham. Dito galing ang diwang patriyotiko, poot sa ibang lahi, digmaan at kapayapaang armado, na minsan ay mas nakapipinsala sa mismong giyera. Dito galing ang pagmamahal na ginawang pagdurusa o negosyo.

Ito ang sanhi ng nakatagong galit, kumpetensiya, at paghinala ng tao. Dulot nito ang pagkawalang-panatag at takot sa isa’t isa.

Nais naming baguhin nang husto ang mga pagtakbo ng mundo. Dahil ang lahat ng suliranin ng tao ay mula sa alitan ng tao, para sa kanilang sariling kapakanan at hindi para sa lahat, pasiya namin na magbago. Papalitan natin ang poot ng pagmamahalan, ang pakikipaglaban ng pagkakaisa, ang paghahanap ng pansariling seguridad ng kooperasyon at bayanihan para sa kabutihan ng lahat, ang pang-aapi at pagpataw ng kalayaan, at ang kasinungalingan na nagtatago sa makatotohanan raw na agham at relihiyon.

Samakatuwid, ang nais namin ay:

  1. Alisin ang pribadong pag-aari ng lupa, ng hilaw ng materyales, at sangkap sa paggawa, nang walang mabuhay mula sa pananamantala sa paggawa ng iba, at para ang lahat ng tao, na hawak ang paraan upang gumawa at mabuhay, ay magiging malaya at may kakayahang makiisa ayonsa kanilang interes at layunin.
  2. Alisin ang pamahalaan, at lahat ng kapangyarihan na gumagawa ng batas at ipinapataw ito sa iba: ang mga monarkiya, republika, kongreso, hukbo, pulisya, hukuman, at iba pang institusyon na maaring magpuwersa sa iba.
  3. Pagsasaayos ng buhay panlipunan ayon sa malayang pakikipag-ugnayan, kapisanan ng mga tagagawa at mamimili, na ginawa at nababago ayon sa kagustuhan ng mga miyembro nito, ginagabayan ng agham at karanasan, at malaya sa kahit na anong pagpapataw, liban na lamang ang likas na kailangan ng lahat.
  4. Paggarantiya ng mga pamamaraan upang mamuhay, umunlad, at maging masagana sa mga kabataan at mga hindi kayang suportahan ang sarili.
  5. Pakikibaka kontra sa relihiyon at kasinungalingan, kahit na ang mga ito ay nagtatago sa ngalan ng siyensiya. Sa halip, ang pagtuturo ng agham ay susuportahan ay isusulong.
  6. Pakikibaka kontra sa pakikipagkumpetensiya at pagkiling sa bansa, ang pagalis sa mga hangganang pambansa, tungo sa kapatiran ng lahat ng tao.
  7. Muling pagbuo ng pamilya, na magmumula sa pagmamahalan, malaya sa lahat ng batas, pangaaping pisikal at ekonomikal, at panghuhusga ng relihiyon.

Ito ang aming mga adhikain.

2. Mga Paraan

Sa naunang parte, dineklara namin ang mga adhikain na rason ng aming pakikibaka.

Ngunit, hindi sapat ang umasa lang. Kung gustuhin ng mga tao na gawin ito, dapat may mga paraan at kagamitan para abutin ito. At dapat makatwiran ang mga paraang ito, at mababago ayon sa kakailanganin ng ating layunin at mga pangyayari sa ating pakikibaka. Kung hindi natin papansinin ang mga paraang pinilit natin, iba ang layunin na ating makakamit, maaring kabaligtaran ng ating inaasam. Kung mali nga naman ang daang pinasukan, hindi ka makakarating sa paroroonan.

Kaya, kinakailangan nating siguraduhin ang paraan na pipiliin natin, para maabot ang mga hangaring ating ipagpapatibay.

Ang ating adhikain ay hindi makakamit ng indibidwal, ng iisang tao. Para maabot ito, kailangan nating baguhin ang takbo ng buong lipunan; ang pagbuo ng relasyon ng tao mula sa pagkakaisa at pagmamahal sa isa’t isa. Ang kaunlarang materyal, moral, at intelekwal, hindi para sa iisang tao, sa isang klase ng tao o partido politikal, kundi para sa sangkatauhan. Hindi ito ipagpapatupad, kundi manggagaling sa ating sariling budhi, na maipapakilos ng malayang pagpapahintulot ng lahat.

Ang ating unang gawain ay manghikayat ng tao.

Kailangan nating imulat ang tao sa kanilang kasawian at ang kanilang magagawa para wasakin ito. Kailangan nating gisingin ang habag sa loob ng iba para sa paghihirap ng iba at ang mabuting kalooban para sa kabutihan ng lahat.

Para sa mga walang pagkain at tahanan, ipapakita natin na posible at madali ang ibigay ang kailangang materyal para sa lahat; para sa mga inalipin at itinakwil, ipapakita natin na kayang mabuhay nang maligaya sa mundo kung saan ang lahat ay malaya at pantay-pantay; para sa mga dinemonyo ng poot at kapaitan, ituturo natin ang daan tungo sa kapayapaan at habag na nagmumula sa pagmamahal ng bawat tao

Kapag binuhay na natin ang sentimyento ng pag-aaklas sa diwa ng mga tao, kontra sa hindi makatarungan ngunit maiiwasang kasamaan sa lipunan natin ngayon; kapag nabigyang-unawa na sila tungkol sa pinanggalingan at paraan para mapaalis sila; at kapag nagising natin ang kagustuhan sa tao na baguhin ang lipunan para sa kabutihan ng lahat, ang lahat ng nakumbinsi at lahat ng makukumbinsi pa ay magkakaisa at gagalaw para sa mithiin ng lahat.

Tulad ng aming sinabi kanina, taliwas sa aming adhikain ang ipataw ang kalayaan, ang pagmamahal ng tao, at ang radikal na pag-unlad ng katauhan, gamit ang pagpepwersa sa iba. Kaya, nakasalalay ang mga ito sa malayang kalooban ng iba, na ating pupukawin lamang. Pero, parehong taliwas sa aming adhikain ang mapigilang ipamalas ang aming saloobin ng mga taong iba ang paniniwala sa amin. Ang aming batayan ay dapat malaya pa rin ang pakikipagtalakayan.

Ang kalayaan ng lahat na ipalaganap at subukan ang mga ideya, ay nagmumula sa pantay-pantay na karapatan ng lahat ng tao.

∗∗∗

Ngunit, kontra rito—at kumokontra gamit ang pwersa ng kalupitan—ang mga nakikinabang sa mga kasulukuyang pribilehiyo at silang mga nangingibabaw at kumokontra sa lipunan ngayon.

Sa kanilang mga kamay ang lahat ng sangkap ng produksyon; kaya hindi lang nila kayang pigilan ang mga posibilidad ng malayang pagsubok ng mga bagong paraan ng pamumuhay sa komunidad, at kalayaan ng mga manggagawa na mabuhay nang malaya alinsunod sa kanilang mga pagsisikap, kundi pati na rin sa karapatang mabuhay mismo. Inoobliga nila ang lahat ng hindi amo na samantalahin at apihin kung ayaw nilang mamatay sa gutom.

Mayroon silang kapulisan, mga hukuman, at mga armadong hukbo upang protektahan ang kanilang mga pribilehiyo; at pinag-uusig, binibilanggo, at pinapatay ang mga gustong biguin ang mga pribilehiyong ito, ang mga taong gustong isalahat ang kabuhayan at kalayaan.

Nagseselos sila para sa kanilang mga interes sa kasalukuyan at kinabukasan. Dahil binulok na sila ng pangingibabaw, at takot sila sa maaring mangyaring panganib sa kanilang mga kagustuhan, kadalasan hindi nila kayang magmagandang-loob at maging mapagbigay. Dahil doon, hindi nila kayang buksan ang isipan sa mga ibang konsepto sa buhay. Hindi rin natin dapat asahan na isusuko nila nang kusa ang kanilang kapangyarihan at mga pag-aari para mabuhay ng pantay sa mga sinusupil nila ngayon.

Nang hindi pa binabalikan ang kasaysayan (na nagpapakita na hindi sinusuko ng mga taong mapribilehiyo ang kanilang mga pakinabang, at hindi rin inabandona ng pamahalaan ang kanilang kapangyarihan nang hindi sila ginamitan ng pwersa o tinakot na gagamitan ng pwersa), marami nang pruweba sa kasalukuyan na maaring kumbinsihan ang kahit sino na ang mga burgis, ang uring nag-mamayari ng halos lahat ng sangkap ng paggawa, at ang kanilang mga gobyerno, ay gagamit at gagamit ng armas para ipagtanggol ang sarili, hindi lang mula sa buong pagkamkam ng kanilang mga ari-arian, kundi kahit sa mga maliliit na demanda ng tao. Hindi sila magdadalawang-isip na mag-usig nang walang pakundangan, at pumaslang nang walang tigil.

Para sa mga gustong palayain ang sarili, iisa na lamang ang natitirang gawin: kontrahin ang kanilang pwersa ng sariling nating pwersa.

∗∗∗

Kaya, ayon sa aming dating sinabi, kailangan nating kumilos para gisingin sa mga inaapi ang kanilang kagustuhan sa kanilang kamalayan para sa radikal na pagbabago sa ating lipunan, at himukin silang magkaisa upang makamit ang tagumpay. Kailangan nating payabungin ang ating mga adhikain, ihanda ang mga pwersang materyal at moral upang magtagumpay kontra sa kakalabanin, at isaayos ang isang lipunang bago. Kapag natipon na natin ang ating lakas, kailangan nating gamitin ang mga pangyayaring kanais-nais kapag ito ay nangyari, o kapag nilikha mismo natin, para makamit ang himagsikang panlipunan. Dito, pupwersahing gibain ang gobyerno, at kakamkamin ang mga hindi makatarungang ari-arian ng mga mayayaman, para isalahat ang mga paraan ng pamumuhay at produksyon, at pigilan ang pagpapatayo ng mga bagong gobyerno na ipataw ang kanilang kagustuhan at umabala sa pagsasaayos ng lipunan ayon sa kagustuhan ng mga tao mismo.

∗∗∗

Ngunit, hindi ito ganoon ka-simple kung titignang maigi. Kailangan nating makitungo sa tao sa kanilang kasalukuyang estado sa lipunan: ang kalagayang moral at materyal na napaka-miserable. Binibiro rin natin ang sarili kung iisipin nating sapat ang pagpropaganda lamang upang paunlarin ang kanilang mga kaisipan, na basehan ng pagsasabuhay ng ating mga ideyal.

Mayroong tumbasan ang tao at ang kanyang kapaligirang panlipunan. Kung hinuhulma ng tao ang kanilang lipunan, hinuhulma rin ng kanilang lipunan ang buhay ng tao. Ang resulta nito ay tila paikot-ikot na hindi matititgil. Samakatuwid, para baguhin ang lipunan, dapat baguhin din ang tao. Para baguhin ang tao, dapat baguhin din ang lipunan.

Malupit ang kahirapan. Ninakaw nito ang puso ng tao. Kung naisin na alisin ang kahirapan, kailangan munang magkaroon ng konsensiya at determinasyon ang taong baguhin ang lipunan. Tinuturuan ng pagkaalipin na maging alipin ang tao. Kung naisin ng tao na palayain ang sarili mula rito, kailangan muna nilang sikapin ang kalayaan. Bunga ng kamangmangan na bulagin ang tao mula sa sanhi ng kanilang kasawian at ang paraan upang malabanan ito. Kung naisin ng taong maliwanagan, kailangan muna nilang magkaroon ng panahon at paraan upang turuan ang sarili.

Sinasanay ng mga pamahalaan ang tao na sumunod na lamang sa Batas at maniwala na ang Batas ay hindi mahihiwalay sa lipunan. Kailangan munang kumbinsihin ang tao na hindi lang walang kwenta kundi mapanganib ang mga pamahalaan, at ang mga batas na pinapairal nito.

Ang tanong: Paano makakatakas mula sa marahas na siklong ganito?

Mabuti na lang at ang lipunang binuo ngayon ay hindi dinidikta ng saloobin ng mga nangingibabaw sa lipunan, kahit pa man nagawa nilang gawing walang malay at sunud-sunuran ang mga manggagawa para sa kanilang mga interes. Sa halip, ang lipunan ay resulta ng mga hidwaan at pakikibaka ng tao sa kaniyang kapiligiran. Ito ay bunga ng napakaraming salik ng katauhan at kalikasan na kumikilos nang walang tagubilin o resulta. Kung kaya, hindi malinaw kung ano ang humahati sa mga indibidwal at sa mga uri.

Hindi mabilang ang pagkakaiba-iba ng tao sa kanilang mga kalagayang materyal. Hindi rin mabibilang ang kanilang iba’t ibang lebel ng kaunlarang pangkaisipan. Hindi nga natin masasabi na ang lugar ng tao sa kaniyang lipunan ay dulot ng kaniyang mga kakayanan at kagustuhan. Madalas ang mga taong masagana ang buhay ay biglang makakaranas ng kahirapan paglaon ng kaniyang buhay. Mayroon ding mga mapalad na naiaangat ang sarili mula sa dati nilang kalagayan. Marami sa mga uring manggagawa ang nakabangon mula sa kahirapan. May ilan pa ngang kailanman hindi nakaranas nito. Kaya hindi natin masasabing may manggagawang walang kamalayaan sa kaniyang lipunan, at buo ang pagsuko sa kagustuhan ng kaniyang mga amo. Kaya ang lahat ng mga institusyon ng lipunang ito, na nabuo sa pagdaan ng kasaysayan, ay mayroon mga angking kontradiksyon na parang mikrobyong dadalhin ito sa kamatayan. Ito ang pinanggagalingan ng kanilang paglaho at pangangailangan ng pagbabago.

Mula rito ang posibilidad para sa progreso. Ngunit hindi kakayanin na iangat ang lahat ng tao sa kinakailangang lebel ng kagustuhan, gamit ang propaganda, para makamit ang anarkiya, kung hindi muna nabago ng paunti-unti ang kanyang kaligiran.

Ang progreso ay sumusulong kasabay ng tao at ang kanilang kapaligiran. Kaya, kailangan nating gamitin ang lahat ng paraan, lahat ng posibilidad, lahat ng oportunidad na mapapasaatin sa kasalukuyang panahon para liwanagan ang ating kapwa tao, at panindigan ang kanilang mga hinaing at adhikain. Kailangan nating gamitin ang pag-unlad ng kanilang kamalayan, at ganyakin silang pagtibayin at isakilos ang mga pagbabago sa ating lipunan, na siyang magdudulot ng mas hihigit pang kamalayan, kaunlaran, at kalayaan.

Hindi natin dapat hintayin na makamit ang anarkiya, habang nililimita natin ang sarili sa pagpropaganda lamang. Kung ito lang ang gagawin, mauubusan tayo ng maaaksyunan sa kinabukasan. Ibig-sabihin nito na maaakit lang natin ang lahat na pwedeng akitin sa kasalukuyang kapaligiran, at ang mga kasunod pa nating propaganda ay mauubusan ng taingang makikinig. Maaari rin na magbago ang lipunan at may lumitaw na mga bagong grupo ng tao, na dala ang mga ideyang hindi natin itinanim sa kanilang diwa, at tuloy sila’y kontra sa ating mga ideya.

Sikapin dapat nating akitin ang mga tao, ang mga iba’t ibang baitang ng tao, upang idemanda, isakilos, at isakanila ang mga sangkap para sa pagpapabuti at paglaya ng sarili. Kapag ninais na nila, at may kapangyarihan na silang kunin ang mga ito, dapat din nating palaganapin ang ating programa upang ito’y maging ganap ng tuluyan. Itulak natin ang tao na palaging sumikap at palaging idiin ang kanilang adhikain, hanggang makamit na nila, at nating lahat, ang kumpletong paglaya.

3. Pakikibaka sa Ekonomiya

Ang pang-aapi na ipinapataw sa mga manggagawa, na siyang pangunahing sanhi ng kanilang mga moral at materyal na kakulangan sa kanilang pinagtatrabuhuhan ay ang pang-aaping ekonomikal. Ito ang pananamantala na pinakikilos ng mga amo at negosyante at ang hawak nila na monopolyo sa lahat ng mahalagang paraan ng paggawa at pagpapamahagi.

Kung nais nating tabasin ang pang-aaping ito mula sa ugat, nang hindi siya magkaroon ng tsansang muling umusbong, kailangan nating kumbinsihin ang lahat ng tao na kanila ang karapatan sa paraan ng paggawa, at ihanda silang isakilos ang karapatang ito sa pamamagitan ng pagkamkam sa pagmamay-ari ng mga may-lupa, mga industriyalista, at may hawak sa mga salapi at pinansiya, upang ang kayamanan ng lipunan ay gagamitin ng tao mismo.

Ngunit, kaya na ba nating gawin ang mga pagkamkam na ito? Kaya na ba nating iangat ang lipunan mula sa impyernong ito, papunta sa paraiso ng komun na pagmamay-ari, nang walang pumapagitna pang mga hakbang?

Kailangan lamang pagmasdan ang kasalukuyan upang makita ang tunay na kakayahan ng mga manggagawa.

Ang ating gawain ay ang moral at materyal na paghahanda ng mga tao para sa mahalagang pagkamkam na ito; at para gawin ito nang paulit-ulit, tuwing tayo ay inaalok ng rebolusyonaryong pag-aalsa, hanggang sa huling tagumpay. Pero sa anong mga paraan ba pwede nating paghandaan ang mga tao? Sa anong mga paraan ba nating kailangang paghandaan ang mga kundisyon na gagawing posible ang materyal na katotohanan ng pagkamkam at ang paggamit ng panlipunang kayamanan para sa ikabubuti ng lahat?

Sinabi na natin na ang propaganda na binibigkas at sinusulat lamang ay hindi sapat para kumbinsihin ang masa. Ang edukasyong praktikal ay kailangan, at ito ay dapat maging sanhi at bunga ng unti-unting pagbabago sa ating kapaligiran. Habang binubuo ng mga manggagawa ang muwang sa pagrerebelde kontra sa pang-aapi at ang mga walang-silbing pagdudusa kung saan sila’y mga biktima, pati na ang pag-nanais para butihin ang kanilang mga kundisyon, sila ay kailangan ding magkaisa at magsalalay sa isa’t-isa nang patas para makamit ang kanilang mga hinihingi.

At tayo, bilang mga anarkista at manggagawa, ay dapat udyukin at himukin sila para sumali sa pakikibaka, at kailangan din nating makibaka.

Pero posible ba ang mga pagpapabuti na ito sa ilalim ng rehimeng kapitalista? May halaga ba ang pananaw na ito para sa tuluyang paglaya ng mga manggagawa?

Anuman ang mga resultang praktikal ng pakikibaka para sa mga panandaliang ganansya, ang may pinakang halaga ay nasa pakikibaka mismo. Dahil dito malalaman ng mga manggagawa na ang interes ng kanilang mga amo ay kontra sa interes nila, at hindi nila mapapabuti ang kanilang kundisyon—paano pa ang palayain ang sarili nila?—kung hindi sila magkakaisa at magiging mas malakas sa mga naghahari sa kanila. Kung magtatagumpay sila sa kanilang mga demanda, bubuti kalagayan nila: mas kikita sila, mas onti ang oras na sila’y magtatrabaho, na magagamit nila para gawin ang mga bagay na tunay na mahalaga sa kanila, na siyang tutulak sa kanilang ipaglaban ang mas mahalagang demanda para sa mga mas mahalagang kinakailangan. Kung hindi man sila magtagumpay, kailangan pa rin nilang pag-aralan ang mga rason kung bakit sila nabigo, at intindihin na upang makamit ang ganap ng tagumpay, kailangan nilang magkaisa at kumilos pa, upang waksan ang kapitalismo. Ang panghihimagsik para sa pag-angat at paglaya ng mga manggagawa ay nakabubuti sa kanila, dahil ito ang paraan para bakahin nila ang kanilang interes, na magagawa lang kung magkakaisa sila.

Ngunit, tanungin natin ulit, kaya ba ng mga manggagawang magtagumpay sa pagpapabuti ng kanilang kundisyon sa kasalukuyang lipunan?

Depende ito sa pagkakaugnay ng higit na maraming mga sirkumstansya.

Sa kabila ng sinasabi ng iilan, walang batas sa kalikasan na tinutukoy kung anong halaga ng paggawa ng isang tao ang dapat mapunta sa kanya. Itong batas na ito, na tinatawag na batas ng sahod (law of wages), kung babalangkasin man, ay simple lang daw: ang sahod ng isang manggagawa ay hindi dapat magkulang sa gastos ng pamumuhay, at hindi rin dapat sumobra nang walang maging kita ang mga amo.

Klaro naman ang problema sa una, wala nang bibibgyan ng sahod kung patay na ang mga gagawa. Klaro rin ang problema sa pangalawa, kung walang kita ang amo, hindi na nila sasahurin ang mga manggagawa. Pero sa pagitan ng dalawang kasong ito, may walang katapusang mga posibilidad upang ang pangangailangan ay magagampanan, mula sa kundisyong kaawa-awa na kita pa rin sa karamihan ng mga manggagawa hanggang sa kundisyon ng mga nasa siyudad at mataas naman ang kinikita.

Ang sahod, ang oras, at ang iba pang kundisyon sa empleyo ay ang resulta ng kontrahan ng mga amo at mga manggagawa. Ang interes ng nauna ay ibigay ang pinaka-kaunti sa mga manggagawa habang kumakayod sila para sa pang-kain. Baliktad naman ang interes ng manggagawa: ang paikliin ang oras ng pagtrabaho nang pinaparami ang kinikita. Kapag tinanggap ng mga manggagawa ang mga kundisyon ng mga amo, o sawa man sa kanilang pamamalakad ngunit hindi alam kung paano kumontra, babalik at babalik rin sa mala-hayop na kundisyon ng buhay. Pero, kapag sa halip, ay nasa utak nila ang mga bagong ideya kung paano mamuhay dapat ang tao, ang kung paano sila magkakaisa, sa pagwelga man o sa lantarang pagrebelde, upang makuha ang respeto ng mga amo, mabubuhay sa paraang masagana naman. Kaya masasabi rin natin na ang sahod na natatanggap ng mga manggagawa bilang uri ay kung anuman ang kanilang idemanda.

Sa pamamagitan ng pakikibaka, sa pangontra sa mga amo, maiiwasan ng mga manggagawa ang paglala ng kanilang pamumuhay, at maiaangat pa nila ang antas nito. Makikita sa kasaysayan ng kilusan ng manggagawa ang katotohanang ito.

Ngunit, hindi rin dapat malabisin ang kahalagahan ng pakikibakang ito sa larangan ng ekonomiya. Oo, kayang pasukuin ang mga amo, at kadalasan ginagawa nila ito kapag hindi masyadong malaki ang mga pagbabagong magaganap. Karapat-dapat na magdemanda ang mga manggagawa, ngunit kapag ang adhikain nila ay ang kunin na ang lahat ng kita ng mga manggagawa, na para bang kinamkam na rin nila ang lahat ng kanilang pagmamay-ari, aapela ang mga amo sa gobyerno na gamitin ang kanilang kapangyarihan upang ipanatili ang mga manggagawa sa kanilang pang-aaliping sahuran.

Dati pa, bago pa man aasahan ng mga manggagawa ang buong halaga ng kanilang paggawa, mawawala na rin ang kapangyarihan ng pakikibaka sa ekonomiya bilang paraan upang i-angat ang antas ng pamumuhay ng tao.

Ang lahat ng bagay ay nililikha ng mga manggagawa. Imposibleng mamuhay kung wala sila. Kaya, maaring isipin na kung kokontra sila sa paggawa, madedemanda na rin nila ang anumang gustuhin nila. Ngunit, ang unyon ng lahat ng manggagawa, kahit sa isang uri ng trabaho lamang, sa isang bansa lamang, ay mahirap makamit, lalo na’t ang kalaban ng isang unyon ay ang organisasyon ng mga amo. Nabubuhay sa araw-araw ang mga manggagawa, at kung wala silang mahanap na trabaho ay hindi sila makakain. Pero, dahil may pera at panustos sa gutom ang mga amo, kaya nilang hintayin hanggang magutom ang kanilang mga empleyado, at susuko sa kanilang kagustuhan.

Kapag naimbento at naipasok ang bagong makinarya sa industriya, ginagawa nitong walang silbi ang manggagawa. Ito ang nagpapadagdag sa mga walang trabaho, na binebenta ang halaga ng kanilang paggawa para lang hindi magutom. Ang pangingibang-bansa ay sanhi rin ng mga suliranin sa mga bansang mas maayos ang kundisyon ng paggawa. Bakit? Dahil sa kanilang gutom at kagustuhang makakain pambili ang karampot nilang kita, pinapababa nila ang sahod ng lahat ng manggagawa, dayuhan man o hindi. Ang lahat ng katotohanang ito, na siyang mula sa sistemang kapitalista, ang kumokontra at sumisira sa pag-unlad ng mga manggagawa at ang kanilang pagkakaisa tungo sa pagbabago.

Ganito lang naman ang sistema dahil organisado ang paggawa sa ilalim ng kapitalismo, na para lamang sa pansariling kita ng mga kapitalista, at hindi para masiyahan ang pangangailangan ng mga manggawa ng lubusan. Dito galing ang kaguluhan, ang sinayang na pagsusumikap ng sangkatauhan, ang maiiwasang kakulangan ng mga bilihin, ang kawalan ng trabaho, ang pagsayang sa lupa, kulang na paggamit ng mga pabrika, at marami pang iba. Lahat ng mga ito ay hindi natin maiiwasan kung hindi ipagkakait sa mga kapitalista ang sangkap sa produksyon, na siya rin didikta sa pagsasaayos ng produksyon.

Kaya kung gusto ng mga manggagawang palayain ang sarili, o kahit man lang ay pagbutihin ang kanilang sitwasyon, kailangan nilang depensahan ang sarili kontra sa pamahalaan, ang katawan na siyang pinoprotektahan ang pagmamay-ari gamit ang malulupit na pagpwersa. Ito ang balakid sa pag-usbong ng katauhan, na dapat kontrahin at sugurin gamit rin ng pwersa, kung ayaw manatili sa kasalukuyang kundisyon, kung hindi pa ito lalala.

Ang pakikibakang ekonomikal ay magiging pakikibakang pulitikal rin; ang pakikibaka kontra sa gobyerno. Sa halip na kontrahin ang mga milyones ng kapitalista gamit ang mga sentimong mahihirapan pang kolektahin ng mga manggagawa, kailangan kontrahin ang mga baril at kanyon na nasa serbisyo ng mga nagmamay-ari gamit ang mga paraan na kakayanin ng mga tao, at tutumbas sa pwersang hinarap ng gobyerno.

4. Pakikibakang Pulitikal

Ang ibig-sabihin ng pakikibakang pulitikal ay ang pakikibaka kontra sa gobyerno. Ang gobyerno ay ang pagsasama-sama ng lahat ng mga indibidwal na hawak ang kapangyarihan, paano man ito nakuha, upang gumawa ng mga batas at ipataw ito sa mga sinasakupan, ang publiko.

Ang pamahalaan ay nagbunga mula sa diwa ng pangingibabaw at karahasan na ipinataw ng isang grupo ng tao sa lahat ng iba, na siya ring tagapaglikha at tagapagtanggol ng mga pribilehiyong tinatamasa nila

Mali ang sabi na ang gobyerno na siyang tagapagtanggol ng kapitalismo ngayon ngunit kapag inalis na ang sistemang ito, ay ito na ang bagong kinatawan at tagapangasiwa sa mga interes ng katauhan. Ang katotohanan ay hindi magigiba ang kapitalismo kung hindi muna aalisin ng mga manggagawa ang pamahalaan, isinakanila ang lahat ng kayamanan sa lipunan, at isinaayos ang paggawa at pagkonsumo para sa kapananan ng lahat, nang hindi hinihintay na manggaling pa ito sa gobyernong hindi naman ito maisasakatuparan.

Ngunit may karugtong pa itong katotohanan: kung ang kapitalismo ay wawaksan, pero may gobyerno pa ring mananaig, ang gobyerno, dahil ito ay papayag na manatili ang iba’t ibang mga pribilehiyo, ay muling lilikha ng kapitalistang sistema. Bakit? Dahil hindi nila kayang matupad ang kanilang pangako sa lahat ng tao, kundi isang makapangyarihang sektor lang na susuporta rito, at magbibigay ng proteksyong materyal at legal upang mapanatili ito.

Kaya hindi maaalis ang pribelihiyo, na siyang balakid sa pagtatag ng kalayaan at pagkakapantay-pantay, kung hindi muna aalisin ang pamahalaan—anumang porma, basta ang mismong institusyon ng pamahalaan.

Dahil ito ay sa interes ng karamihan, at isa ito sa pinakamahalagang nasa interes ng lahat, kailangan muna ang pag-sangayon ng sangkatauhan. Kaya dapat kailangan din nating hikayatin ang lahat na hindi lamang ito walang kwenta, kundi pati na nakakasama sa ating lipunan, at pwede tayong mamuhay nang mas masagana kung wala ito.

Pero, uulitin natin na ang propaganda lamang ay hindi sapat upang kumbinsihin ang bawat tao. Kung aasa lang tayo sa simpleng mga salita lang kontra sa gobyerno, at hinihintay lang na ang publiko ay sasang-ayon na ang lahat ng uri ng gobyerno ay posible at nakabubuti, wala talaga tayong mapapala.

Habang nangangaral tayo kontra sa gobyerno, at dinedemanda natin ang ganap na kalayaan, kailangan rin nating suportahan ang pakikibaka para sa mga iba’t ibang kalayaan. Alam kasi nating matututuhan natin ang mahalagang aralin sa buhay mula sa pakikibakang ito, at kapag naramdaman na ng tao ang kahit karampot na kalayaan, ay hahangarin nilang matamasa ang kabuoan nito.

Kailangan nating tumindig kasama ang katauhan, at kapag hindi natin sila nakumbinsing idemanda ang mga malalaking bagay, dapat pa rin tayong sumama sa kanila upang isakanila ang mga maliliit na bagay. Dapat nating intindihin na kahit anuman ang kanilang mga hangarin, mararami man o kakaunti, ito ay hindi dahil sa aksyon ng mga nasa gobyerno (o kung sino ang gustong sumama sa gobyerno), kundi dahil sa kanila mismong pagsisikap.

Dahil may kapangyarihan na ang gobyerno ngayon, sa pamamagitan ng sistemang legal, na iayon ang pang-araw-araw na buhay ng tao kung paano man nila gustuhin, tulad ng paglawak o paghigpit sa natatamasang kalayaan. At dahil hindi pa natin kayang kunin ang kapangyarihang ito mula sa kanilang mga kamay, ang magagawa na lang natin ay bawasan ang kapangyarihang ito at obligahin ang mga gobyerno na gamitin ito nang hindi nakakasama sa mga tao. Pero, kailangan natin itong gawin sa labas, at kontra sa gobyerno, sa pamamagitan ng pagbabanta na kukunin natin ang ating dinedemanda, pinupuwersa natin sa pagpapakilos ng tao saanman kailanganin. Hindi tayo dapat tumanggap ng posisyon kung saan tayo na mismo ang gagawa ng batas, pambansa o pang-lokal man, dahil mawawalan ng bisa ang ating mga aktibidad, na siyang bunga ay pagtataksil sa ating pinaninindigan.

∗∗∗

Samakatuwid, ang pakikibaka laban sa gobyerno ay pisikal at materyal.

Gobyerno ang gumagawa ng batas. Pinapakilos at ipinapataw nila ito gamit ang pwersang materyal (ang hukbong sandatahan at pulisya). Kung wala sila, hindi na ito batas, kundi mga suhestyon lang na malayang tatanggapin o tatanggihin ng lahat. Pero hawak nila ang pwersang ito, hawak nila ang kapangyarihan, pinapalakas pa nila ito, upang paglingkuran ang mga naghahari sa lipunan, habang inaalipin at sinasamantala ang mga manggagawa.

Ang hangganan ng pang-aapi ng gobyerno ay ang kapangyarihang hawak ng mga taong kayang kontrahin at labanan ito. Lantaran man o tago ang tunggalian patuloy pa rin siya hangga’t may pamahalaan na hindi magbibigay ng atensyon sa galit at pangongontra ng tao, maliban na lang kapag insureksyon na ang hinaharap.

Kapag sumusunod lamang ang tao sa batas, at kapag ang kanilang mga protesta ay mahina at hanggang salita lang, bibigyang-pansin lamang ng gobyerno ang sariling tunguhin at binabalewala nila ang pangangailangan ng tao. Pero, kapag ang mga pagkikilos ay buhay na buhay, laging iginigiit, at binabantaan ang gobyerno, maaaring hayaan nilang magkaroon ng panunupil, o sila pa mismo ang gagawa nito. Pero babalik at babalik ang tao sa insureksyon, dahil kung hindi susuko ang gobyerno, magrerebelde ang tao. Ano ang resulta nito? Magkakaroon ang tao ng kumpyansiya sa sarili at patuloy na magdedemanda, hanggang sa punto na ang kalayaan nila at ang kapangyarihan ng gobyerno ay walang-wala na sa tugma, at magkakaroon ng pakikibaka.

Kaya kailangan maging handa, sa puso, diwa, at gawa, para kapag nangyari na nga ito, ang tao ay magtatagumpay.

∗∗∗

Ang matagumpay na insureksyon ay ang pinaka-makapangyarihang sangkap sa paglaya ng tao, dahil kung matatanggal ang pamatok na ito, malayang madidikta ng tao kung anong institusyon ang pinakaangkop sa kanila. Sa isang iglap, ang kabihasnan ng tao at ang tuntunin na humuhukom sa kanila ay mapagkakaisa. Tinatakda ng insureksyon ang takbo ng himagsikan. Sa mas malinaw na salita, ito ang mga pwersang tago na binubuo sa panahon ng “ebolusyon,” bago sumiklab ang rebolusyon.

Depende na ang lahat sa mga kagustuhan ng tao.

Ang mga insureksyon sa nakaraan ay hindi naliwanagan kung bakit hindi sila nagtagumpay: dahil kaunti lamang ang hangarin nila, kaya kauntil lang din ang nakuha.

Kung ito ang problema, ating tanungin: ano ang gugustuhin nila sa susunod na insureksyon?

Ang sagot diyan ay iimpluwensiyahan ng ating propaganda at pagsusumikap para sa tao.

Kailangan nating itulak ang tao patungo sa pag-iisip na karapat-dapat na nilang kamkamin ang pagmamay-ari ng mga amo nila, at gawing para sa lahat ang mga pangangailangan, pati na rin ang pagsasaayos sa isa’t isa nang malaya, nang hindi naghihintay pa ng utos mula sa taong naghahari. Wala nang kinatawan na kikilanlin pa, mapa-monarkiya, diktaturya, o republika man ito, kahit panandalian lang, na gagawa ng batas upang sundin nang labag sa kalooban ng iba.

At kung ang masa ay hindi tutugon sa ating mga apela, ating alalahanin na kikilos pa rin tayo ng malaya, kahit na may ibang gustuhing maging mala-alipin. Dahil kung ating ipapakita ang mabuting halimbawa, ang pagkilos para umepekto ang ang ating mga ideya, pagtanggi sa pagkilala sa gobyerno, at pagpapabuhay sa paglaban, ang mga lugar na tatanggap sa ating ideya ay maiimpluwensiyahan, sa puntong sila’y magiging pamayanang anarkista. Dito, tintanggihan nila ang pagkagambala ng pamahalaan, at tatatag sila ng malayang ugnayan sa ibang komunidad ayon sa gustuhin nilang paraan ng pamumuhay.

Higit sa lahat, tututulan natin ang muling pagtatag ng pulisya at sandatahang lakas, at gagamitin natin ang bawat oportunidad upang ganyakin ang mga manggagawa sa mga lugar na hindi pa anarkista, na samantalahin ang kawalan ng mga pwersang ito at idemanda ang pinakamabisang mga pagbabago na kakayanin nilang gawin.

Anuman ang mangyari, ipagpatuloy natin ang pakikibaka kontra sa uring nagmamay-ari at ang mga makapangyarihan sa lipunan, nang walang tigil, hanggang makamit at ganap na paglaya ng sangkatauhan sa ekonomiya, pulitika, at moralidad.

5. Pagtatapos

Ang ating hangarin ngayon ay ang ganap na wasakin ang pangingibabaw at pananamantala ng tao sa kaniyang kapwa. Nais nating magkaisa bilang kapatiran ng tao, na siyang adhikain ng bawat isa na kumilos nang hindi pinupwersa para sa kabutihan ng lahat. Adhikain natin na ang lipunan ay isaayos para ang lahat ng tao ay may sangkap upang mabuhay nang pinakamasagana; ang sukdulang pag-unlad sa isip at diwa. Simple lang naman talaga ang gusto natin para sa lahat: pagkain, kalayaan, pagmamahal, at karunungan.

At para maabot natin ang mga layuning ito, paninindigan natin na ang mga sangkap sa paggawa ay nasa kamay ng lahat, at walang sinuman, o anong grupo man, ay may kayang obligahin ang iba na sumailalim sa kagustuhan nila, o isakilos ang kanilang impluwensiya sa paraang bukod pa sa pangangatwiran at pagiging mabuting halimbawa sa iba.

Kaya ang ating mithiin: ang pagkamkam sa pagmamay-ari ng mga maylupa at kapitalista; at ang pag-alis sa pamahalaan.

Habang hinihintay natin ang araw na makakamit natin ito, ito ang ating pagkilos: ang pagpapalaganap ng ating mga ideya; ang patuloy na pakikibaka, sa anumang paraan depende sa mga kundisyong kinakagisnan, kontra sa gobyerno, kontra sa amo, kontra sa uring makapangyarihan, para ipasaatin ang inaasam na kalayaan at kaginhawaan, para sa ikabubuti ng lahat.