“Big Red Book”
Written by: Anonymous;
Published: 1993 in the “Big Red Book” or Crisis of Socialism Strategies of Action and Internal Democracy: Study Debate Discussion Summing-up: Profound Re-Examination and Revitalization: Krisis Ng Sosyalismo Istratehiya Ng Pagkilos at Internal Na Demokrasya: Pag-Aaral Debate Diskusyon Paglalagom: Malalimang Muling Pagsusuri at Pagpapanibagong-Sigla;
Source: Transcribed from a scan of the “Big Red Book” made by Karlo Mikhail I. Mongaya at DOI: 10.13140/RG.2.2.32328.74241;
Markup: Simoun Magsalin;
Copyright: No copyrights were indicated in the text.
Sinindihan ng “dokumento ng pagwawasto” na tinaguriang “Reaffirm..” ang isang naglalagablab na debate sa loob ng Partido. Napaypayan at higit na napagalab pa ito nang “aprubahan” ang nasabing dokumento ng i sang pulutong ng mga kadre na nagproklama sa sarili bilang “Ika-10 Plenum ng Komite Sentral.”
Nasa sentro ng debate ang mga usapin na may kaugnayan sa kasaysayan, teorya, estratehiya’t taktika, organisasyon at pamumuno ng Partido sa rebolusyon. Nakasalang dito ang mga kongklusyon at pusisyon ng may-akda ng “Reaffirm..” at ng “Ika-10 Plenum ng KS” na naging tampulan ng pagpuna hanggang tahasang pagtakwil ng dumarami ngayong mga kadre at kasapi ng Partido.
Napakamayor at napakaselan ng mga usaping pinagtatalunan. Ang paghahanay at hanayan batay dito ay sumaklaw na di lang sa isang malaking bilang ng mga pambansa’t panrehiyong kadre kundi pati na sa buu-buong mga organo at yunit ng Partido. Mapagpasya ang resolusyon nito sa pagpapahigpit at pagpapataas ng antas ng pagkakaisa ng Partido, sa higit na pagpapaunlad ng pamumuno nito, at sa paglutas ng mga suliranin sa iba’t ibang larangan ng bumabara’t nagpapabagal sa pagsulong ng rebolusyon.
Esensyal na salik sa prinsipyadong pagsasaayos ng kasalukuyang panloob na tunggalian sa Partido ang pagpapalahok sa mga kadre’t kasapian ng Partido para makapagpahayag ng kanilang pagtingin at pusisyon sa mga pinagtatalunang usapin at ang kaukulang pagsasaalang-alang dito ng kinauukulang mga namumunong organo.
Kaugnay ng pangangailangang makapagpahayag at makapusisyon ang mga kadre’t kasapian ng Partido, isang rekisito dito ang katugmang paglulunsad ng isang malaya, maayos, at masaklaw na pag-aaral, diskusyon at debate sa buong Partido. Sa ganito’y higit na mabibigyang buhay at dinamismo ang demokrasyang pam-Partido na may mahalaga’t di matatawarang papel sa pagpapataas ng kakayahan ng Partidong makapagpasya nang wasto at alinsunod, makamit ang mas mataas na kalidad ng pagkakaisa nito.
Kung gayon, ang paglulunsad ng masaklaw na pag-aaral, diskusyon, at debate sa hanay ng buong kasapian, pati na sa loob at pagitan ng iba’t ibang yunit at organo ng Partido ay dapat maging tungkulin at pananagutan ng bawa’t kasapi, yunit at organo ng Partido. Sa ganito mapakakawalan ang kinakailangang inisyatiba’t lakas para magtuluy-tuloy, higit na sumaklaw, at maging matagumpay ang ganitong pagsisikap.
Para sa pagsusulong ng nabanggit na masaklaw na pag-aaral, diskusyon, at debateng pam-Partido kaya’t napagkasunduang ilabas ang kit na ito. Makapagbibigay ang kit ng obhetibong presentasyon ng pusisyon ng magkabilang panig sa debate sapagka’t pinagsikapan nang hustong ipaloob dito ang lahat at pinakahuling mga nakasulat na pusisyon ng dalawang panig sa debate. Sa ganitong paraan, makatutulong at makaaambag ito sa mga mag-aaral at pag-aaral ng mga pinagdidebatehnang usapin sa Partido ngayon.
Nagmamalasakit na mga Kagawad ng KP at KS,
mga Komisyong Teritoryal, mga Pambansang Istap,
mga Komiteng Pangrehiyon,
at iba pang mga Organo’t Yunit ng Partido